-- Advertisements --

CEBU CITY – Nahaharap ngayon sa kasong attempted parricide at paglabag sa Animal Welfare Act ang isang lalaki matapos nitong pinagkakatay ang alagang baboy ng kanyang kapatid, na pinagtangkaan naman nitong paslangin sa Sitio Tore, Brgy. Lupa, bayan ng Compostela, Cebu.

Ito’y dahil na rin sa sobrang kalasingan ng suspek na kinilalang si Jover Duterte, 44, at nakatira sa naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon, naghahanap ng away si Duterte at pinagtriripan nito ang kanyang kapatid na si Kevin, 30.

Ayon kay P/SSgt. Darel Rondina, nakaupo lang si Kevin sa labas ng kanilang bahay nang sasaksakin sana ni Jover gamit ang basag na bote ngunit nakailag ito.

Dahil dito, kumuha ng kahoy ang suspect at akmang papaluin ang biktima ngunit nakaiwas pa rin ito at nakatakbo.

Sa sobrang galit ng suspek, pumunta ito sa likod bahay at pinagbuntunan ng galit ang tatlong alagang baboy biktima kung saan pinagkakatay nito ang mga naturang hayop

Agad namang nahuli ang suspect at ikinulong.