Binigyang-diin ng Malacañang na kung mayroon mang may pinakamabisang pangkumbinsi sa taongbayan na ligtas ang bakuna laban sa COVID-19, walang iba kundi si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang siyang unang maturukan nito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kung mayroon nang makukuhang bakuna ang pilipinas at papayagan na ng Food and Drugs Administration (FDA) na mabakunahan si Pangulong Duterte ay walang magiging problema rito.
Ayon kay Sec. Roque, sa katunayan ay nagboluntaryo na nga si Pangulong Duterte na bakunahan siya agad para maitaas ang kumpiyansa ng taongbayan sa COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Sec. Roque na ito ay kahit wala pang clinical trials ng alinmang COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas pero mayroon namang ginawang clinical trials sa abroad.
Naniniwala naman si Sec. Roque na walang pangangailangan para gawin pang “spectacle” si Pangulong Duterte sa sandalling turukan na ito ng COVID-19 vaccine o gawin pang live sa mga telebisyon ang pagtuturok sa kanya.