-- Advertisements --

Pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawang COVID-19 testing ng Philippine Red Cross (PRC).

Sa lingguhang public briefing ng Pangulo nitong Lunes ng gabi isinawalat ng pangulo na mayroong 44 na hospital personnel ang unang idineklara ng COVID-19 positive sa PRC swab test.

Subalit naging “false positive” lamang ito ng sumailalim ang mga ito sa confirmatory tests sa ibang molecular laboratory.

Hindi naman na binanggit pa ng pangulo kung saang nakatalaga ang nasabing mga hospital personnel.

Ganun din aniya ang nangyari ng magpa-swab test sa PRC ang Presidential Security Group at ang Department of Finance na unang idineklara ng PRC na positive subalit negatibo naman sa confirmatory test.

Dahil dito ay inatasan niya ang Department of Health na imbestigahan ang nasabing maling resulta ng COVID-19 test ng PRC.

Muling iginiit ng pangulo na kaniyang ipapasailalim sa audit ang PRC sa mga pondong ibinigay aniya ng gobyerno.

Nauna sinabi ng PRC na hindi sila sakop ng COA dahil hindi naman sila government agency.