Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtulong ng South Korea sa COVID-19 response ng Pilipinas.
Sa pahayag ng Malacañang, sa pakikipagpulong ni Pangulong Duterte kay outgoing South Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-man, nagpasalamat ito sa “timely emergency and humanitarian assistance” kabilang na ang donasyon ng face masks at iba pang personal protective equipment, gamot, test kits, at bigas.
Maging ang pag-agapay ng Republic of Korea sa pagpapauwi sa mahigit 2,000 Pilipino ay kinilala rin ng Pangulong Duterte.
Nagpasalamat din ang Pangulong Duterte sa South Korea sa naging suporta nito sa development priorities at infrastructure drive ng Pilipinas at binigyang-diin ng mas pinalawak na kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa aspeto ng defense, security, at maritime domain awareness.
Kasabay nito, iginawad din ng pangulo kay Han ang Order of Sikatuna para sa kanyang “excellent diplomatic work.”
Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si Han kay Pangulong Duterte para sa commitment nito sa pag-angat ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.
“Ambassador Han reiterated the importance and value of Philippines-Republic of Korea relations and reaffirmed the ROK’s commitment to continue working with the Philippines to further strengthen cooperation across all areas of mutual concern,” saad ng Palasyo.
“Ambassador Han also expressed gratitude to the Filipino nation for its many contributions to peace and stability in the Korean Peninsula saying that the Republic of Korea would not enjoy peace and stability if not for the many sacrifices of friendly nations, including the Philippines,” dagdag nito.
Nagsimula ang diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea noong 1949.
Ang South Korea rin ang ikalima sa pinakamalalaking trading partner ng Pilipinas at ikaapat sa pinakamalaking pinagmumulan ng official development assistance noong 2019.