Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na naglalayong tulungan ang mga bagong graduate sa proseso ng kanilang pag-aapply ng trabaho.
Batay sa Republic Act 11261, wala nang babayaran ang mga bagong graduate na fees at charges para sa mga government documents na kailangan nila sa paghahanap ng trabaho dito man sa Pilipinas o labas ng bansa.
Kabilang na dito ang police at NBI clearance, barangay clearance, transcript of academic records mula sa state universities and colleges (SUCs), birth certificate, marriage certificate, tax identification number (TIN), unified multi-purpose ID or UMID card, medical certificate mula sa pampublikong ospital at iba pang requirements.
Para patunayang first-time jobseeker, kinakailangan lang ang barangay certification.
Magmamantine naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng database ng lahat ng nabigyan na ng benepisyo ng batas na ito.
Minamandato rin ng RA 11261 na tulungan ng Public Employment Service Office (PESO) sa ibat ibang probinsya, lungsod at munisipalidad ang mga job seekers sa pagkompleto ng kanilang mga pre-employment requirements.
Samantala, hindi naman kasama sa mga libre ang mga fees at charges na kinokolekta para sa aplikasyon para kumuha ng professional licensure examination at career service exam, pagkuha ng driver’s license, pasaporte at iba pang dokumento sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Inatasan naman ng batas ang kalihim ng DOLE, katuwang ang DICT at iba pang ahensya para bumuo ng implementing rules and regulations (IRR) matapos maging epektibo ang batas 15 araw kasunod ng official publication nito.