-- Advertisements --

Malugod na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nominasyon sa kanya ng PDP-Laban bilang vice presidential candidate sa 2022 national elections.

Ginawa ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa National Convention ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at Proclamation of Candidates for the 2022 National and Local Elections ng partido sa San Fernando City, Pampanga.

Sinabi ni Pangulong Duterte, umaasa siyang magiging daan ito para maipagpatuloy nito ang paninilbihan sa mga Pilipino at itaguyod ang lalo pang pag-unlad ng bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi man siya ang magbibigay na ng direksyon kapag nanalong bise presidente, pero maaari siyang makatulong sa paglaban pa rin sa iligal na droga, terorismo at New People’s Army (NPA).

“I cannot thank you enough for your strong support for the administration’s priorities especially our fight against illegal drugs, terrorism, corruption and poverty. No words can express my gratitude for your continued trust and confidence in my leadership and for nominating me as the party’s official vice presidential candidate in 2022 elections. I am hopeful that this will allow me to continue serving the Filipino people and lead the entire nation towards greater progress. Alam mo kung bakit? Papaiyak ako eh. hindi naglagay kasi ako ng eye drops just before I… it’s a how would you call it, libricant. Alam mo kung bakit ako tatakbo ng vice presidency? Is it ambition? Maybe. But is it really a sense of love of country? yes. Is it really because I want to see the continuity of my efforts even though I may not be the one giving the direction, baka makatulong lang ako. Alam ninyo na ang problema droga pa rin, terorismo, nandiyan yung NPA, of course it’s quite in Sulu now, yang NPA hanggang ngayon it is really one factor that is pulling us down,” ani Pangulong Duterte.

Samantala, pormal na ring inianunsyo ang nominasyon ng partido kay Sen. Bong Go bilang standard bearer o presidential candidate at bilang runningmate ni Pangulong Duterte.

Pero sa kanyang video message, inulit ni Sen. Go ang kanyang pagtanggi sa nominasyon at iginiit na hindi siya interesado sa pagtakbo sa pagka-pangulo.

Inihayag ni Sen. Go na nakatutok ang kanyang buong puso at isipan sa pagseserbisyo at walang hangaring makipagkompetensya sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Taos-puso namang nagpasalamat si Go sa tiwala at suporta ng mga kapartido sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte at para sa umano sa isang probinsyano at simpleng empleyado lamang na naging senador, malaking karangalan na ang maikonsidera sa pagka-Pangulo.

“Subalit, inuulit ko, hindi po ako interesadong tumakbo sa pagka-Pangulo sa darating na halalan. Nakatutok po ang buong puso at isipan ko sa pagseserbisyo sa aking kapwa at wala po akong hangarin na makipagkumpitensya sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Unahin niyo na lang po ang may gusto. Ang importante ay hanapan natin ng katimbang si Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang pagbabago. Yun ang continuity na inaasam natin. Dahil sa mga pagsubok na hinaharap natin ngayon, sakit sa ulo ang aabutin ng susunod na presidente. Kaya tutulong na lang ako sa kanya,” ani Sen. Go.

Kabilang naman sa senatorial line-up ng PDP-Laban na inianunsyo sina Labor Sec. Silvestre Bello III, Sec. Salvador Panelo, Transportation Sec. Arthur Tugade, Congresswoman Lucy Torres-Gomez habang guest candidates naman sina Presidential Spokesman Harry Roque, Public Works Sec. Mark Villar, Chairman Greco Belgica at Congressman Rodante Marcoleta.