Posible umanong magdeklara ng national emergency si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa African swine fever (ASF).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hinihintay lamang daw ng Pangulong Duterte ang pormal na rekomendasyon mula sa Department of Agriculture (DA) upang tuluyan na itong maipatupad.
“Inaantay po ng Malacañang iyan para po mapirmahan at mapatupad,” wika ni Roque.
Bumabalangkas na raw ng rekomendasyon ang DA na maglalaan ng P1-bilyong pondo sa indemnification at repopulation ng mga baboy sa mga lugar na tinamaan ng ASF; pag-aatas sa mga local government units na i-realign ang budget para talakayin ang isyu sa ASF; at pagpapalakas ng partisipasyon at koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang labanan ang ASF.
Kung maalala, nagtakda ng price cap ang pamahalaan sa kasim at pigue na P270 per kilo, P300 sa liempo, at P160 sa kada kilo ng manok sa loob ng 60 araw mula Pebrero 8.
Gayunman, dahil sa naturang polisiya ay napilitan ang maraming mga retailers na magsagawa ng pork holiday.