BEIJING – Aasahan umanong diretsahan ang gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-ungkat sa arbitral ruling sa kanilang bilateral meeting ni Chinese President Xi Jinping mamayang gabi.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, dati nang binuksan ni Pangulong Duterte sa kanyang counterpart ang panalo ng Pilipinas sa kaso laban sa sobrang pag-angkin ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea pero pahapyaw lamang.
Ayon kay Sec. Panelo, sa muli nilang paghaharap mamaya ni President Xi, magiging prangka si Pangulong Duterte sa pag-invoke ng ruling ng Permanent Court of Arbitration partikular sa pagpanig ng Tribunal sa claim ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea.
Kasama pa sa tatalakayin mamaya ni Pangulong Duterte ang pagpapabilis ng pagbuo ng Code of Conduct in the South China Sea para magkaroon ng dokumento para sa tamang pagtrato ng mga claimant-countries sa mga pinag-aagawang teritoryo sa karagatan.
Magugunitang matagal ng pinag-uusapan pero wala pang konklusyon ng ASEAN at China para sa COC.