Isusulong pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpalit ng porma ng pamahalaan patungong federalism kahit pa hindi niya ito nabanggit sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ni Duterte pagkatapos ng kanyang talumpati na hindi ito ang tamang panahon para talkayin ang charter change.
Mas mainam aniya na pag-usapan ang usapin na ito sa mga conferences kung saan bawal ang publiko.
“Sa isang provision lang if there are a lot of complaints. A lot of pros and cons. Mahilo ka. So better, you just talk it among yourselves and present it to the public ano na, ‘yung package na completed,” ani Pangulong Duterte.
Iginiit ng Punong Ehekutibo na maganda ang federalism pero may ilang mga bagay na dapat daw linawin muna ukol dito.
Isa na nga rito ay ang kapangyarihan na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan.
“It must be something like, the president, I suppose that it would come after me. But it has to have a strong president to put together the country,” ani Duterte.
Pero malabo aniya na mangyari ang pagpapalit ng porma ng pamahalaan sa ilalim ng kanyang termino.