-- Advertisements --

Maaaring maghanap ng iba’t-ibang legal na paraan si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kanyang pagkaka-detene sa Netherlands, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Sa isang panayam, tinanong si DOJ spokesperson Mico Clavano kung may posibilidad bang maibalik si Duterte sa Pilipinas, dahil kasalukuyan siyang nasa hurisdiksiyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kasong crimes against humanity dulot ng madugong war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.

‘Marami po talaga siyang legal remedies and I know these remedies are found in the Rome Statute which is the basis of the ICC. So, siguro mas maganda kung tignan na lang niya du’n at hingin na niya sa unang pagkakataon pa lang dahil ang hiling din naman natin dito sa Pilipinas ay respetuhin ang karapatan ng isang accused,’ wika ni Clavano.

‘Hindi naman natin sinasabi na kinokondena na natin ang dating pangulo. Ang sinasabi natin, we just want him to face the charges that were filed against him in the ICC,’ dagdag pa niya.

Matatandaan na noong Martes, inaresto si Duterte matapos maglabas ang ICC ng isang warrant laban sa kanya. Ang warrant ay ipinasa sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) dahil nag-withdraw na ang Pilipinas mula sa Rome Statute.

Ayon sa mga datos mula sa mga human rights groups, aabot sa 30,000 katao ang nasawi sa war on drugs ng administrasyong Duterte.