(Update) Personal na pinalakas ng loob ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo para tapusin na ang teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa probinsiya ng Sulu.
Sa ginawang “talk to men” ng Pangulo sinabi nito sa mga sundalo na sana ay maging “passionate” na may “commitment at dedication” ang mga ito sa pagpulbos sa teroristang grupo ng sa gayon matapos na at maging tahimik ang probinsiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, nagbilin ang Pangulong Duterte sa mga sundalo na bilisan na ang pagresolba sa teroristang Abu Sayyaf.
Binigyang-diin ng heneral na may mga hakbang na sila para kontrahin ang mga planong terroristic activities ng ASG.
Sinabi ni Sobejana na first time na binisita ng Pangulo ang mga sundalo sa bundok sa Camp Bud Datu sa Indanan na tinaguriang “Hill of Ruler.”
Ito rin ang lugar kung saan inilibing ang kauna-unahang sultan ng Sulu na si Rajah Baguinda.
Kaya aniya, “very significant at historic” ang pagbisita ng Pangulo duon.
Sa ibinigay na security briefing ni Sobejana kay Pangulong Duterte, ipinaliwanag nito ang mga hakbang at latag ng kanilang seguridad para tapusin na ang ASG sa lalong madaling panahon.