Nagbanta ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Canada na kukunin ang kanilang mga basurang dinala sa Pilipinas sa susunod na linggo kundi barko ng Pilipinas ang magbabalik doon sa kanila.
Sa situation briefing sa Provincial Capitol ng Pampanga kasunod ng magnitude 6.1 na lindol, sinabi ni Pangulong Duterte na pinahahanda na niya ang barko para magdadala sa Canada sa mga nasabing basura.
“I want a boat prepared. I’ll give a warning to Canada maybe next week that they better pull that thing out or I will set sail, doon sa Canada ibuhos ko ‘yang basura nila doon,” ani Pangulong Duterte.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya matanggap na ginagawa tayong dumpsite ng Canada at handa siyang magdeklara ng giyera kung ayaw nilang tanggapin pabalik ang kanilang mga basura.
Nagbibigay nga daw ang Canada ng educational grants sa mga Pilipino pero kapalit naman ang pagtambak ng kanilang basura sa Pilipinas.
“I cannot understand why they are making us a dumpsite, and that is not the only case on point. Papasunod-sunod ‘yan na pinapadala yung basura sa atin. Well, not this time. Magkaaway kami ng… Eh, ‘di ano, awayin natin ang Canada. We’ll declare war against them, kaya man natin ‘yan sila. Isaoli ko talaga. Tignan mo. Ikarga mo ‘yan doon sa barko, load the containers to a ship, and I will advise Canada that your garbage is on the way. Prepare a grand reception. Eat it if you want to,” dagdag ni Pangulong Duterte.
“Sumusobra itong mga… They extend itong mga educational grants but on condition that we wil laccept their shit and their garbage. Hindi ako papayag. Kaya ikarga uli natin ‘yan pabalik sa kanila. Sabihin ko prepare your, and celebrate because your garbage is coming home.”
Magugunitang nasa kabuuang 103 containers ng basura mula Canada, na binubuo ng mga household trash, plastic bottles at bags, diyaryo, at gamit na adult diaper, ang dumating sa Maynila noong 2013 hanggang 2014.
Ibinaon naman ang mga basura mula sa nasa 26 containers sa isang landfill sa Tarlac.
Kasunod nito, inakusahan ang Chronic Plastics Inc., na nakabase sa Valenzuela, ng paglabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act at ang 1995 Basel Convention on the Transboundary Movement of Hazardous Wastes and Disposal.