-- Advertisements --
President Rodrigo Duterte and Chinese President Xi Jinping (file photo)

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga matataas na opisyal ng China na walang kinalaman ang kanyang administrasyon sa kasong isinampa nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC).

Kasama sa high-level Chinese delegation na hinarap ni Pangulong Duterte si Minister Song Tao, International Department of the Communist Party of China (IDCPC) Central Committee sa Matina Enclaves sa Davao City.

Sinabi ni Pangulong Duterte, walang kinalaman o partisipasyon ang kanyang gobyerno sa nasabing hakbang nina Carpio-Morales at Del Rosario na kusang naghain ng reklamo sa ICC.

Ayon kay Pangulong Duterte, dahil umiiral ang demokrasya sa Pilipinas, malaya naman daw ang sinuman gaya nina Carpio-Morales at Del Rosario na gumawa ng legal action gaya ng pagsasampa ng kaso.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Chinese government sa “vibrant trade relationship” sa pagitan ng Pilipinas at China.

Binigyang-diin din nito ang walang humpay na suporta ng China sa “Build, Build, Build Program” ng Duterte administration para paigtingin ang infrastructure development sa bansa.

Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Chinese Minister Song Tao na kung kakailanganin pa ng Pilipinas ang anumang assistance sa pagpapabuti sa kabuhayan ng mga Pilipino, nakahandang tumulong ang China.

Inihayag pa ni Song Tao na “looking forward” na sila sa pagtanggap kay Pangulong Duterte sa China na bibisita sa susunod buwan.

Kasama ni Minister Song Tao sa courtesy call sina Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua, Chinese Consul General to Davao Li Lin at iba pang opisyal ng IDCPC.