-- Advertisements --
Chavit Catriona
Chavit Singson and Catriona Gray

VIGAN CITY – Hindi nakaligtas sa pangangantyaw ni Pangulong Rodrigo Duterte si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson sa pagdalo nito sa inauguration ng bagong by-pass road sa Candon City, Ilocos Sur.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa nasabing aktibidad, sinabihan nito si Singson na sana sa susunod ay mapagtagumpayan na niya ang kaniyang misyon at napahalakhak na lamang si Singson sa banat sa kaniya ng pangulo.

Ito ay may kaugnayan sa kumalat na video sa internet kung saan makikitang natutulog si Singson habang nakaupo at katabi si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray at muntik na itong mapasandal sa balikat ng dalaga ngunit nagising ito kaya hindi natuloy.

Una rito, humingi na umano ng dispensa sa dalaga si Singson at sinabing pagod lang ito noong mga panahong iyon kaya hindi niya namalayan na nakatulog na ito habang nakaupo at katabi pa ang ika-apat na Miss Universe ng bansa.

Nangyari umano ito noong laban ni Sen. Manny Pacquiao sa Las Vegas, Nevada, kung saan ang Bicolana beauty ang humawak at nagwagayway ng Philippine flag.

Sa pahayag sa Bombo Radyo Vigan ni Singson na isa sa mga main sponsor ng Miss Universe Organization (MUO), sinabi nito na hindi niya sinadya ang nangyari at talagang hindi namalayan na nakatulog na ito habang nakaupo.

Aniya, nag-sorry na siya sa 25-year-old Fil-Australian beauty at sinabi raw na next time ay ito naman ang sasandal sa balikat ng opisyal para matulog.

Kung maaalala, si Singson at ang MUO ang nagdala sa Pinay beauty queen sa Las Vegas para sa laban ni Pacman.