Iniutos ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ahensiya ng gobyerno ang pagsunod sa nabuong 10-point agenda upang mabilis daw na makarekober sa pagkakalugmok ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang “whole-of-government approach” ay nakapaloob sa Executive Order No. 166 na una nang pinirmahan ng pangulo noong March 21.
“The State hereby adopts the Ten-Point Policy Agenda to sustain and accelerate economic recovery, and to drive broad-based expansions across various productive sectors, in the midst of challenges brought about by the continued persistence of COVID-19,” bahagi pa ng Executive Order 166. “The COVID-19 pandemic has impeded the country’s three decades of uninterrupted growth, contracting its gross domestic product by as much as -9.6% in 2020.”
Ang tinaguriang Ten-Point Agenda para sa economic recovery ay ang mga sumusunod:
-pagpapalakas sa health care capacity,
-pagpapabilis at pagpapalawak sa vaccination program,
-lalo pang pagbubukas sa ekonomiya at pagdagdag sa public transport capacity,
-pagpapanumbalik ng face-to-face learning,
-pagbawas sa paghihigpit sa mga domestic travel at pag-isahin ang mga LGU requirement,
-pag-relax din sa requirement sa international travel,
-pagpapabilis sa paggamit ng digital transformation sa pamamagitan ng kaukulang batas sa kongreso,
-pagpasa sa kongreso ng panukalang nagpapaibayo at flexible na emergency measures,
-pagpapatupad ng mga desisyon ng gobyerno gamit ang tinatawag na metrics, at
-pagbalangkas ng mga hakbang na magpapalakas sa pandemic resilience para sa medium term preparations.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulong Duterte ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ang National Task Force Against COVID-19 na tiyakin ang tamang pagpapatupad ng nasabing 10-point agenda at kaagapay sa konsultasyon ang economic cluster ng gabinete ng gobyerno.