DAVAO CITY – Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkaroon ng mga bitak ang kanyang bahay sa lungsod ng Davao matapos ang nangyaring malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa Pangulo, tulog daw siya nang tumama ang lindol nitong Huwebes ng umaga.
Nalaman na lamang daw niya na lumindol nang gisingin siya ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) upang ipabatid sa kanya ang pagyanig.
Hindi naman umano ito pinansin ng Pangulo at sinabihan pa ang mga PSG members na huwag matakot sa lindol at magdasal na lamang.
Iginiit din ng Presidente na hindi raw siya nababahala kahit na nagkaroon ng mga bitak ang kanyang bahay.
Sa katunayan ay sa bahay pa rin daw niya siya matutulog bago ito pumunta ng Thailand para dumalo sa 35th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
Posible namang inspeksyunin ng mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at structural engineers ng lokal na pamahalaan ng Davao ang bahay ng Pangulo sa Biyernes.