-- Advertisements --

Hihilingin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng P30-bilyong supplemental budget upang idagdag sa pondong kinakailangan para ayudahan ang mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Pahayag ito ng Pangulong Duterte kasabay ng paghimok nito sa mga mambabatas na maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng malalaking mga evacuation centers sa mga disaster-prone areas, lalo na sa mga lugar na nakaharap sa Pacific Ocean na pinagmumulan ng mga bagyong nananalasa sa bansa kada taon.

“I will ask Congress to expedite… P30 billion would cover your everything. ‘Yung tulong na ninyo sa livestocks pati sa mga bahay,” wika ng Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Sto. Tomas, Batangas.

“Hindi naman natin masiguro ‘yang Taal kung kailan talaga puputok o hindi. In the meantime that we are expecting another eruption, mas mabuti na lang na umpisahan na rin ang evacuation center.”

Tiniyak din ng Pangulo sa mga apektadong residete na mabilis ang kilos ng pamahalaan upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

“Hindi pangako ‘yon. Trabaho lang ‘yun ng gobyerno. Hindi na kailangan mangako pa kami dito kasi hindi ito haka-hakang politika. Hindi kasali ‘yan. Ang pinag-uusapan dito ‘yung gaano kahirap ang naidulot sa tao dahil sa Taal,” anang pangulo.

“Kung nandiyan ‘yan, to the last centavo pangako ko dadating ‘yan sa inyo.”

Una nang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na may P27-bilyong calamity fund ang pamahalaan ngayong taon.

Sa nasabing halaga, P16-bilyon dito ay nakalaan ngayong taon at ang P11-bilyon ay na-carry over mula nitong 2019.