Pinatawad na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si PNP Chief PGen. Debold Sinas kaugnay sa kontrobersyal na “mañanita” o birthday party nito noong buwan ng Mayo.
Ito’y kahit umani ng samu’t saring batikos si Sinas, na noo’y hepe ng National Capital Region Police Office, dahil sa umano’y paglabag nito sa protocol, lalo pa’t nasa ilalim pa ng enhanced community quarantine ang Metro Manila noong nasabing buwan.
Sa isang televised speech, sinabi ng Pangulong Duterte na maliit na bagay lamang umano ang isyu at kanya nang inaako ang responsibilidad sa nangyari.
Siniguro rin ng Pangulong Duterte ang kakayahan ni Sinas na pamunuan ang pambansang pulisya.
“Alam mo kasi ‘yang mañanita, it’s a religious, almost a religious ritual. Nakaugalian na talaga ng mga Pilipino. Hindi kasalanan ng pobreng Sinas na ‘yan na pumunta sila doon, hindi naman niya alam,” wika ng pangulo.
“At kung may kasalanan siya doon, pardon na siya. Wala akong nakitang kasalanan na masama na may moral implications, may kasamang malisya, wala,” dagdag nito.
Una nang ipinagtanggol ng commander-in-chief si Sinas kung saan inihayag nito na hindi niya sisibakin ang heneral sa kanyang puwesto sa kabila ng isyu.
“Hindi naman kailangan mag labas siya doon ng mga mask. It happened. Well, it was bad na ‘yung mga pumunta doon hindi nila inisip. But dahil naman sumusunod lang sila sa almost religious practice of mañanita,” ani Duterte.
“We sing a person a happy birthday ang wishing para naman i-endear ng tao sa trabaho niya at sa buhay niya. Maliit na bagay ‘yun,” saad nito.