-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Muling pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alkalde at gobernador sa bansa na umiwas sa korapsyon at iligal na droga.

Ginawa ito ng Pangulo sa pagpulong sa mga newly-elected officials sa isang hotel sa Manila kasunod ng kanyang State of the Nation Address noong Lunes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa presidente ng League of Cities of the Philippines na si Mayor Evelio Leonardia, sinabi nitong nagsagawa si Duterte ng post-SONA sa harap ng mga alkalde at gobernador.

Ayon kay Leonardia, isang memorandum ang inilabas para sa provincial governors, city at municipal mayors, Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang meeting ay may temang: “Patuloy na Pag-unlad, Malasakit at Pagkakaisa, at Katatagan: A Post SONA Meeting of the President with the Local Chief Executives on the Prospect of Constitutional Reform,” kung saan pinag-usapan ang collective accomplishments para sa mid-year ng 2019.

Layunin din ng post-SONA na ma-accommodate ang lahat na mga alkalde at gobernador na hindi nakapasok sa Batasang Pambansa nitong Lunes.