DAVAO CITY – Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga atletang kalahok ng Palarong Pambansa 2019 na huwag tatangkaing gumamit ng iligal na droga.
Sa kanyang talumpati sa University of the Philippines Sports Complex sa lungsod ng Davao, muling iginiit ni Pangulong Duterte na masisira hindi lamang ang buhay, maging ang pamilya ng mga atleta kung malululong ang mga ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Dapat din aniyang gawin ng mga magulang ang kanilang bahagi upang hikayatin ang kanilang mga anak na sumabak sa sports at iwasan ang illegal drugs.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Duterte sa mga student-athletes na dapat umano nilang itaguyod ang kanilang sarili laban sa anumang mga paniniil.
“The only thing this country needs is for you, young people, to assert your rights,” wika ni Pangulong Duterte.
Nilinaw naman ng pangulo na ang pagtataguyod ng karapatan ay hindi kailangang idaan sa dahas.
Ayon pa sa presidente, maaari raw siyang puntahan sa Malacañang ng mga biktima ng katiwalian, pang-aabuso, at pagtataksil.
“If it’s a case of corruption or niloko ka, isumbong mo sa akin. I will open the gates of Malacañang day and night. Kapag hinold-up o ginalaw ka, isumbong mo,†ani Duterte.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na dumalo at binuksan ng Pangulong Duterte ang nasabing multi-sports meet, na tatagal hanggang Mayo 4.
Nakatakda sanang gawin ang opening rites nitong Abril 27, ngunit binago dahil na rin sa pakiusap ng Office of the President para makadalo ito sa event.
Kasama ni Duterte sa okasyon, na tinatayang dinaluhan ng nasa 20,000 delegado, sina Education Sec. Leonor Briones, at Philippine Sports Commission chairman Willain Butch Ramirez.
Hindi naman nakadalo si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio dahil may lakad umano ito sa Camiguin.