Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na dapat magkaisa laban sa mga maituturing na “modern colonial threats†gaya ng kahirapan, problema sa kapaligiran, kriminalidad, droga at iba pa.
Mensahe ito ni Pangulong Duterte sa 6th Infantry Batallion Headquarters sa Malabang, Lanao del Sur kung saan doon nito ipinagdiriwang ang ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kagabi.
Kasabay nito, hinikayat din ni Pangulong Duterte ang mga kapatid niyang Moro na sana’y madaliin ang development sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ng pagpasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sinabi ni Pangulong Duterte, ang Liguasan Marsh ay para raw sa mga Moro at anumang makuha nilang langis dito ay mapupunta sa kanila.
Ayon kay Pangulong Duterte, maaari na lang daw nilang ibahagi ang sobra nito sa mga Kristiyano.
Dapat din daw tingnan ng mga Moro na walang pagkakaiba dapat sa mga Pilipino, ano man ang relihiyon, Muslim man o Kristiyano.
Nabanggit din ni Pangulong Duterte na handa niyang pagbigyan ang gusto ni Nur Misuari sa ngalan rin ng kapayapaan.
Sa talumpati rin ni Pangulong Duterte, ipinaliwanag niyang siya mismo ang pumili sa nasabing kampo ito magdiwang ng Independence Day.
Iginiit nitong pagkilala ito kay dating Chief Justice Jose Abad Santos na binaril sa Malabang, Lanao del Sur, dahil sa pagpalag niya sa pananakop ng mga hapon.
Gaya ni Santos, dapat daw patuloy ring lumaban ang mga Pilipino sa mga banta sa kalayaan ng bansa.
Dagdag pa ng Pangulo, tama lang na doon siya nagdaos ng Araw ng Kalayaan kasama ang mga sundalong matatapang na lumalaban sa mga Maute-ISIS group at iba pang grupong nagbabanta sa seguridad at kapayapaan ng bansa.