-- Advertisements --

Tahasang hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang Estados Unidos, Britain at France, na bumuo ng pinagsamang puwersa sa bahagi ng West Philippine Sea at sabay-sabay na agawin ang teritoryong inaangkin ng China.

Pahayag ito ni Pangulong Duterte sa gitna nang patuloy na kritisismo sa umano’y tila pagpabor niya sa China matapos ang kontorbersyal na pahayag na pagpapahintulot nito sa mga Chinese na makapangisda sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sinabi ni Pangulong Duterte, mas maganda kung kasama na rin si US President Donald Trump sa pagsugod sa West Philippine Sea.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, ang pagpayag niyang makapangisda sa EEZ ay bahagi ng kasunduan nila ng China para hindi na rin harangin ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal.

Gustuhin man daw ni Pangulong Duterte na pagbawalan ang China na pumasok at mangisda sa EEZ ng Pilipinas, pero hindi nito magagawa dahil wala tayong puwersang kayang pumigil sa mga Chinese na papasok sa naturang teritoryo.