Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na kailanman magkakaroon ang gobyerno ng peace talks sa National Democratic Front (NDF).
Sa kaniyang national address nitong Lunes ng gabi, inakusahan ng Pangulo ang New People’s Army (NPA) sa pagpatay sa mga sundalong tumutulong na magdala ng mga tulong sa mga naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi na kailan pa man ito handa sa anumang uri ng pakikipag-usap sa NPA dahil wala raw silang paninindigan sa kanilang mga salita.
Tinalakay din ng Pangulo na maaaring ipatupad na nito sa Metro Manila ang partial opening sa modified community quarantine para sa mga maliliit na manggagawa ng bansa.
Nanawagan din ang chief executive sa mamamayan na hindi pa nakakatanggap ng tulong ng gobyerno na dumulog sa mga radio station o maging sa kanilang mga alkalde, punong barangay o gobernador para iparating sa kaniyang opisina at makatanggap ng ayuda.