BUTUAN CITY – Nanawagan ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na patuloy pang nakikibaka sa kabundukan na iwanan na ang kanilang lider na si Jose Maria “Joma” Sison at siya na ang ang gagawin nilang amo.
Ang pakiusap ng Pangulo ay sa gitna rin ng patuloy na pang-aatake ng nasabing grupo sa iba’t ibang police stations at military detachments kung saan ilang mga sundalo at mga pulis ang napapatay at nasusugatan.
Ayon sa Presidente, walang ibang kaibigan ang nasabing grupo na opisyal ng gobyerno kundi siya lamang.
Magpapatunay umano nito ang pabalik-balik niyang pag-akyat sa kabundukan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao noong mayor pa siya ng Davao City upang sunduin ang mga pinapalayang bihag ng kumunistang grupo.
Inihayag pa ni Duterte na panahon na upang iwanan ng mga rebelde ang kanilang lider na si Ka Joma dahil sigurado umano siyang hindi na ito makakabalik pa ng bansa.
Dagdag pa ng Pangulo, kung susuko umano sila sa pamahalaan, malaki ang posibilidad na gagawin pa silang mayor sabay panawagang gagawing legal ang kanilang grupo upang makasali sa susunod na eleksyon.