-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya pa ring makaboto at makapili ang mga kongresista ng kanilang gugustuhing Speaker dahil ito ay kanilang pribilehiyo.

Pahayag ito ni Pangulong Duterte matapos ang pag-endorso kina Reps. Alan Peter Cayetano at Lourd Allan Velasco na maghahati sa pagka-Speaker ng 18th Congress.

Sinabi ni Pangulong Duterte, ginawa lamang nito ang pag-eendorso para matapos na ang “impasse” sa Speakership race at wakasan na ang mga tanong ng mga kongresista kung sino ang kanyang kandidato.

Ayon kay Pangulong Duterte, ayaw niya talagang manghimasok pero dahil sa mga nangyayari nitong mga nakaraang araw ay kailangan na niyang magsalita.

Si Cayetano ay kasapi ng Nacionalista Party, habang miyembro naman ng ruling party na Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan si Velasco.

“That is their privilege actually. I was just trying to end up the impasse. Nobody was sure to vote for whom and they kept on asking ano ‘yung — sino ‘yung kandidato ni Presidente?” ani Pangulong Duterte.

“So I shied away and said na, “Iyan oh.” If you can resolve the matter comfortably between you, do it. I hate to intrude. But apparently, considering what happened in the last few days, and malapit na ang session, sabi ko na my statement would really be, “It’s time for me to talk.”