Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga alegasyon ng kurapsyon sa pamahalaan, lalo pa’t nasa proseso sila ng pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa kanyang pagharap sa publiko, sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga nambibintang na may nagaganap na katiwalian sa gobyerno ay hindi naman daw nagtagumpay na maipakulong ang mga tiwaling opisyal.
“I just ask the people to, next time, do not be so gullible and basta maniwala na lang kayo and talk about corruption left and right. It starts with the big bang and it ends with a whimper,” wika ni Duterte.
“Wala naman napakulong ‘yang mga ‘yan, ‘yung napakulong on the basis of their investigation, wala ‘yan,” dagdag nito.
Maliban dito, hinikayat din ng Pangulong Duterte ang publiko na hayaan ang pamahalaan na tapusin ang mga proyekto nito dahil sa huli ay malalaman naman din aniya ang mga liability o mga anomalya.
“Patapusin lang ninyo kami. Tutal if there is liability in one, there will be liability in all. If there’s an anomaly in the start, then verily the end of whatever project is undertaken or activity is always there,” anang pangulo.
Maaari rin aniyang maniwala ang publiko sa naturang mga paratang o maniwala sa publiko.
“Kung may maiwan na maniwala sa amin, just keep faith with us. At the end of the day, you will see that everything has been done in accordance with the rule of law,” sabi ng presidente.
Itinanggi namang muli ng Presidente na may kurapsyon sa pagbili ng pamahalaan ng bakuna, at iginiit na dapat ay magtiwala kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.
Inihayag ng Pangulong Duterte na wala raw kay Galvez o sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan ang perang ginamit sa pagbili ng bakuna kundi nasa pangangalaga ng mga bangko.
“You can talk of billions, gawin mo nang trillion, kasi wala talagang pera, ang pera nasa bangko. Wala tayong inipon na pera para diyan lang kasi hindi natin alam na ‘yung Covid dadating sa buhay natin,” sambit ng Pangulo.