Todo paalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na mag-doble ingat at maging alerto kaugnay pa rin sa nagpapatuloy na outbreak ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa kanyang recorded video message, sinabi ni Pangulong Duterte sa taumbayan na manatiling kalmado sa gitna ng pagkalat ng sakit at magtiwala lamang sa gobyerno at sa mga otoridad sa paglaban sa hamon.
Ayon sa presidente, naiintindihan niya raw na marami sa mga Pilipino ang nakararanas ng pangamba, na aniya’y normal lamang sa ganitong mga sitwasyon.
“I call on our people to remain calm, vigilant, responsible and I also ask your trust and cooperation, support as we face the challenge,” wika ni Pangulong Duterte. “Tayo ay magkaisa together as one nation, this challenge can be overcome.”
Kasabay nito, inihayag ni Pangulong Duterte na handa ang pamahalaan, katuwang ang World Health Organization, medical societies at private sector sa anumang puwedeng mangyari.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na inaalagaan ng gobyerno ang mga overseas Filipino workers galing Wuhan, China na pinauwi at nasa quarantine ngayon sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sa iba pang mga Pinoy na nasa lockdown areas sa China, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi rin pababayaan ang mga ito at aasistehan ng pamahalaan kung nais na rin nilang umuwi.
“To our kababayans who remain in lockdown areas in China, I assure you that the government is ready to bring you home if you want. Hindi naman kayo papabayaan,” anang Pangulo.