-- Advertisements --

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang susunod na mga lider ng Kamara na itulak na ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas ng batas habang nakaupo pa ito sa puwesto.

Ayon kay Pangulong Duterte, sinabi niya raw ito sa naging pulong nito kina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, at Leyte Rep. Martin Romualdez tungkol sa speakership race.

Natapos ang nasabing meeting sa pagsang-ayon ng Pangulo sa term-sharing agreement para sa pagka-Speaker nina Cayetano at Velasco, at Romualdez na inendorso bilang susunod na majority leader.

“We have to change the Constitution. Whether federal or what not. Sabi ko doon sa tatlo kinausap ko,” wika ng Pangulong Duterte.

“Sabi ko, ‘If you want to change the Constitution, do it now. Nandiyan pa ako.’ And I can tell the military, ‘No, no, no. You better’…Kasi ang military mainit na. And I have told you all the corruption sa gobyerno, ang pinakamalaki nandiyan sa itaas,” dagdag nito.

Nitong nakaraang buwan, inihayag ng Pangulong Duterte na hindi niya raw kayang tuldukan ang kurapsyon kahit na umupo pa ito bilang presidente sa loob ng 20 taon sa ilalim ng 1987 Constitution.