NEW YORK – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kapwa lider ng mga bansang kasapi ng United Nations (UN) na kondenahin ang planong pagsasagawa na ng booster shots ng ilang mayayamang bansa sa mundo.
Sa kaniyang talumpati sa High Level Debate ng 76th Session ng United Nations General Assembly (UNGA), binigyang-diin ni Pangulong Duterte na sa halos dalawang taon na ng pananalasa ng COVID-19 pandemic, lumalalim ang hindi pagiging patas ng sitwasyon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, tanging ang mga mayayamang bansa lamang ang higit na nakikinabang sa mga bakuna laban sa COVID-19 habang ang mahihirap na bansa ay kandahirap sa pagkuha ng supply nito.
Ayon kay Pangulong Duterte, nakagugulat ang katotohanang habang nakaabang na mabigyan ng bakuna ang mahihirap na bansa sa mundo, pinag-uusapan na ang pagtuturok ng booster shots sa ilang mayayamang bansa, bagay na hindi aniya katangggap tanggap.
Hinimok din ni Pangulong Duterte ang mga kapwa niya lider na suportahan ang COVAX facility.
Sa pamamagitan umano nito ay mas maraming buhay ang maililigtas sa patuloy na banta ng pandemya ng COVID-19.
“The now talk of booster shots while developing countries consider half doses just to get by — this is shocking beyond belief and must be condemned for what it is, a selfish act that can neither be justified rationally nor morally,” ani Pangulong Duterte.