-- Advertisements --

NEW York – Inianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harapan ng mga world leaders na dumadalo sa 76th Session ng United Nations General Assembly (UNGA) na inatasan na nito ang ang Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na rebyuhin o muling pag-aralan ang paraan ng pagpapatupad ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Sa kanyang video message sa High Level Debate ng UNGA, iginiit ni Pangulong Duterte na sinumang mapatutunayang sumobra ang pagpapatupad ng kapangyarihan ay papapanagutin sa batas ng bansa.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanyang mga kapwa lider ng iba’t ibang bansa na may obligasyon ang gobyerno sa mamamayan nitong pangalagaan ang kanilang kaligtasan at seguridad habang sila ay nasa kani-kanilang mga tahanan at komunidad, malayo sa anumang panganib at kapahamakan.

Kaya naman papapanagutin umano niya ang lahat ng uri ng kriminal kabilang na ang mga terorista sa buong pwersa ng batas.

Sa kanyang talumpati, wala namang nabanggit si Pangulong Duterte kaugnay sa kinakaharap nitong reklamong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) na nag-ugat sa madugong anti-drug war ng kanyang administrasyon.

“Those found to have acted beyond bounds during operations shall be made accountable before our laws,” ani Pangulong Duterte.