Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na itutuloy nito ang pagkalas sa Visiting Forces Agreement (VFA) sakaling mabigo ang Estados Unidos na agad na makapagbigay ng 20-milyong dosage ng COVID-19 vaccine.
Sa isang live briefing, sinabi ni Pangulong Duterte na kung nais talagang tumulong ng US ay dapat manahimik na lamang umano ito at i-deliver na sa Pilipinas ang bakuna.
“Ang kanila lang kasi kay, ‘yung Visiting Forces Agreement matatapos na. Ngayon, pag hindi ako pumayag, aalis talaga sila. Kung hindi sila maka-deliver ng maski na lang a minimum of mga 20 million vaccines, they better get out,” wika ni Duterte.
“No vaccine, no stay here,” dagdag nito.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, hindi rin dapat maniwala ang publiko na agad na ide-deliver ng Estados Unidos ang mga bakuna.
“Hindi nga niya ma-deliver sa kaniyang lugar, dito pa. Itong amerikano talaga. Maniwala kayo. I’ve been in government, dealt with them many times. That’s hwy naging cynic ako sa kanila kasi wala pa… eh, kung ibigay edi ibigay, wala naman,” ani Duterte.
Noong Hunyo nang suspindihin ng gobyerno ang pagbasura sa VFA kung saan tatagal ito ng anim na buwan at magtatapos na ngayong Disyembre.