-- Advertisements --

Hiniling ngayon ng isang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na pag-isipang muli nang maigi ang pasyang pagbigay sa gobyerno ng responsibilidad sa pag-organisa ng nasabing regional sports meet.

Sa isang pahayag, sinabi ni PHISGOC executive director Ramon Suzara na malaki umano ang magiging epekto sa preparasyon ng bansa sa SEA Games ang pagbawi sa kanila ng karapatang mangasiwa sa Palaro.

Mariin ding itinanggi ni Suzara ang balitang mayroon umanong kurapsyon na nangyayari sa lupon.

Katunayan aniya, ang P5-bilyong budget na inaprubahan ng Kongreso para sa SEA Games, maging ang P1-bilyong augmentation fund na aprubado ni Pangulong Duterte ay nakalagak sa Philippine Sports Commission.

Ibig sabihin nito ayon kay Suzara ni isang sentimo ay wala silang hinawakang pondo para SEA Games.

Sa kabila nito, iginiit ni Suzara na patuloy pa rin ang paghahanda ng bansa sa SEA Games lalo pa’t apat na buwan na lamang ang hihintayin bago ganapin ang prestihiyosong torneyo dito sa bansa.

Kaugnay nito, muling iginiit naman ng Philippine Olympic Committee (POC) na wala raw silang kinalaman sa PHISGOC.

Ayon kay POC first vice president Joey Romasanta, wala raw pahintulot ng kanilang executive board ang pagbuo sa Phisgoc Foundation na nauwi sa pagbibitiw sa puwesto ni Ricky Vargas bilang POC president.