Kinumpirma ni Sen. Bong Go na bibisita sila ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas sa Cagayan para magbigay ng tulong at ma-assess ang kalagayan at mga pangangailangan ng mga apektadong lugar.
Sinabi ni Sen. Go, sa ngayon, lahat ng assets ng gobyerno ay naka-mobilize para rumesponde sa mga apektado ng bagyo at mga humihingi ng saklolo.
Ayon kay Sen. Go, patuloy ang pagsasagawa ng rescue and response operations at pamamahagi ng mga food and other assistance sa Cagayan at iba pang lugar.
Inihayag pa ng senador na ang kanyang opisina ay tuloy-tuloy ang pag-iikot at paghahatid ng immediate assistance sa mga nasalanta maging ng mga nagdaang bagyo gaya sa Catanduanes, Albay at sunod sa iba pang lugar sa Bikol, southern Luzon, NCR at northern Luzon.
“Ang hiling ko lang sa mga kababayan natin, patuloy lang po tayong magbayanihan at mag-cooperate sa pamahalaan. Nandito ang gobyerno ninyo na palaging nagmamalasakit at handang tumulong. Sisiguraduhin natin na walang sinumang Pilipino ang maiiwan. Hindi namin kayo pababayaan,” ani Sen. Go.