-- Advertisements --

Sasaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang turnover ceremony ng first batch ng Sinovac vaccines na nakatakdang darating sa bansa sa Pebrero 28.

Sinabi ni Sen. Bong Go, sasalubungin nila at tatanggapin ang mga bakuna mula sa China sa Villamor Airbase sa Pasay City.

NTF Vaccine simulation 2

Ayon kay Sen. Go, sa kanyang pagkakaalam, mga alas-5:00 ng hapon ang dating ng mga bakuna.

Inihayag ni Sen. Go na nagagalak sila ni Pangulong Duterte dahil sa wakas ay may darating ng bakuna ngayong Pebrero.

“Kami ni Pangulong Durerte po ay sasalubong at magrereceive po ng bakuna mula sa China. Ito po ay donated vaccines,” ani Sen. Go. “Simple turnover naman po ito dahil kami po ni Pangulo ay nagagalak na meron na pong dumating finally sa February. Umabot po tayo sa February. On the last day po ay darating na po ang bakuna.”

Ang Sinovac vaccines ay kinabibilangan ng 600,000 doses kung saan nasa 100,000 doses ay donasyon ng China sa military personnel at civilian employees ng Department of National Defense (DND).

“Matagal na natin itong inaantay. Ako, as a legislator, talagang kinukulit ko po. Naawa na ako kina Vaccine Czar Secretary (Carlito) Galvez, Jr. at (Health) Secretary (Francisco) Duque. Halos araw-araw ko silang nire-remind. Sabi ko, ‘sir, inip na po ang ating mahal na Pangulo dahil kailangan na nating mag-umpisang mag-rollout.”