-- Advertisements --

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na seryoso na nitong pinag-iisipan ang pagtakbo bilang bise presidente sa 2022 elections.

Sa pulong ng PDP-Laban, sinabi ni Pangulong Duterte na ang tanging ikinokonsidera na lamang niya sa kasalukuyan ay ang mananalong presidente ng susunod na administrasyon.

Ayon kay Pangulong Duterte, kailangan ay kasundo niya ang susunod na pangulo ng bansa para hindi siya maging inutil at maging maayos ang kanilang pagtatrabaho at maipagpatuloy niya ang mga proyekto at programa na nasimulan na sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Inihayag ni Pangulong Duterte na hindi siya hihingi ng pera o pondo para sa kaniyang tanggapan at ang nais lamang niya ay magsabi ng mga proyekto na dapat ipagpatuloy ng susunod na pangulo para sa mga Pilipino.

Sa nasabing meeting, iniendorso na rin ng mga opisyal ng PDP-Laban si Sen. Christopher “Bong” Go bilang presidential candidate ng partido at magiging ka-tandem ni Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, inihayag naman ni Pangulong Duterte na nakahanda umano si Go anumang oras.

Pero sa panig ni Sen. Go, hindi siya umano nag-aasam na maging presidente lalo pa’t alam nito ang hirap ng trabaho at ikonsidera lamang siya kung walang-wala na talagang ibang kandidato ng partido.

Ipinauubaya na lamang umano ang lahat sa Panginoon, sa taongbayan at sa mga Duterte na pinagkakautangan niya ng utang na loob kung nasaan man siya ngayon.

“To the proposition that I run for vice president medyo I’m sold to the idea,” ani Pangulong Duterte. “Meaning to say, I’m seriously thinking of running for vice president.”