-- Advertisements --

Muling nagpatutsada si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga kritiko pagdating sa drug war ng administrasyon.

Sa kanyang pahayag sa PDP-Laban rally na ginanap sa Cainta, Rizal ay muling inihambing ng pangulo ang kanyang kontrobersyal na war on drugs operations sa sinimulang digmaan sa Ukraine ni Putin.

Ayon kay Pangulong Duterte, pareho raw sila ng kaniyang kaibigan na si Russian President Vladimir Putin na inaakusahan na may ginagawang paglabag sa human rights kahit ang pinapatay lang naman daw niya ay pawang mga kriminal habang mga babae, lalaki, bata, at iba pang mga sibilyan ang nasasawi sa Ukraine nang dahil sa pagsalakay ng Russia doon sa utos ni Putin.

Samantala, dito ay nakuha pang magbiro ng pangulo na posibleng makasama niya pa raw sa bilangguan ni Putin pagdating sa hinaharap.

Matatandaan na isa ang International Criminal Court (ICC) sa mga pangunahing kritiko ng presidente na kamakailan lang ay nagsuspinde ng kanilang imbestigasyon sa drug war ng administrasyon bilang bahago ng due process kasunod ng deferral request na inihain dito ng pamahalaan.

Isa rin ang ICC sa nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagsalakay na ginawa ni Putin sa Ukraine na nagbunga naman ng malalaking banta sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.