-- Advertisements --

Tiniyak ng MalacaƱang na dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at joint session ng Kongreso kahit sino man ang uupo bilang House Speaker.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi totoo ang usap-usapan sa Kamara na nagbanta raw si Pangulong Duterte na hindi dadalo ng SONA kung hindi si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang uupong Speaker.

Kung maaalala, si Rep. Cayetano ang inendorso ni Pangulong Duterte na House Speaker sa loob ng unang 15 buwan at susundan siya ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa 21 buwan.

Unang dumulog noon kay Pangulong Duterte ang mga kongresista dahil halos tatlo sa mga kaalyado nito ang naglalaban-laban sa pagka-House Speaker.

Ayaw pa sana noon ng pangulo na magbigay ng pangalan pero dahil mukhang nagkakagulo na aniya ang mga mambabatas ay napilitan na itong pumili sa kanyang mga kaalyado.

Gayunman, nilinaw ni Sec. Panelo na nasa kamay pa rin ng mga kongresista ang bola sa pagpili ng kanilang lider sa Kamara.