Positibo umano ang naging reaksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang ibalik sa military rank ang ranggo ng PNP.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, ang sinasabing radical change ng pangulo sa PNP ay ang pagpalit ng ranggo sa kanilang hanay at gayahin na lamang ang ranggo sa militar.
Una nang iminungkahi ng PNP leadership na lahat ng mga regional police directors ay may ranggong two-star general, habang ang regional director ng NCRPO at mga directors ng Civil Security Group (CSG), CIDG at Special Action Force (SAF) ay may ranggong three-star general.
Ayon kay Albayalde sa isinagawang command conference sa Malacanang, muling inulit ng commander-in-chief na sana mapabilis ang pagpasa ng batas at mabago ito nang sa gayon maibalik na sa dati ang ranggo ng kapulisan.
Aminado kasi ang pangulo na siya ay nalilito sa ranggo ng mga pulis.
“Inulit ng Pangulo na kung puwede mapabilis yung pagpasa ng batas at mabago ‘yung batas at maibalik na sa dati naming rank. Kung general ka general, kung private eh corporal, wala na PO1, PO2, SPO1 kasi hanggang ngayon daw hindi niya pa alam kung ano ang equivalent nung mga iyon especially so kapag sinabi SPO1, SPO2 so madalas nagtatanong pa daw sya sa aide de camp niya,” wika ni Albayalde.