Binabalak ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumili ng mga brand new na helicopter para sa militar.
Pahayag ito ng Pangulong Duterte kasunod ng nangyaring pagbagsak ng chopper sa Bukidnon na ikinamatay ng pitong sundalo.
Sa talumpati nito sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, Sulu, sinabi ni Pangulong Duterte na oras na raw para palitan ang mga Huey choppers na ginagamit ng hukbong sandatahan.
“Marami pa ba ‘yang Huey na ‘yan? Naiwan? Hindi, palitan ko na sana. Wala ng… Maano na talaga ‘yan, luma na,” saad ng commander-in-chief.
Dagdag ng presidente, sisikapin daw nitong bumili ng nasa pitong helicopter upang hindi na maulit ang kahalintulad na aksidente.
“Tingnan ko kung baka makabili ako ng iilan para pangpalit diyan sa Huey na ‘yan,” anang pangulo.
Inamin ng Pangulong Duterte na nasaktan daw ito nang marinig ang balita tungkol sa helicopter crash sa Bukidnon.
“I am not making any hard promises. But you can rest assured, I will try my best to look for money para palitan ko ‘yung mga luma na,” paliwanag nito.
“These are all things screwing my mind kasi ‘yung recent crash, masaktan ka talaga… ako ‘yung parang administrador ng bayan tapos ganoon ang nangyari, masakit para sa akin.”