MANILA – Tinitimbang pa umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang desisyon kung palalawigin pa ang enhanced community quarantine sa mga lugar na sakop ng “NCR Plus.”
Ito ang sinabi ng Malacanang, isang araw bago matapos ang in-extend na ECQ sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan.
“President Rodrigo Roa Duterte is weighing the pros and cons before making his final decision regarding the quarantine classification of the National Capital Region Plus Area,” ayon sa Palasyo.
“The Chief Executive would like to review and check pertinent information such as the Health Care Utilization Rate (HCUR) of the aforesaid area.”
Una nang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na i-aanunsyo niya ang mga bagong quarantine classification ngayong Sabado.
Ito’y kahit naka-confine siya sa Philippine General Hospital dahil sa impeksyon sa COVID-19.
Hanggang sa ngayon wala pang inilalabas na bagong anunsyo ang pamahalaan tungkol sa bagong desisyon sa estado ng NCR Plus.
Nakatakdang matapos ang in-extend na ECQ sa Metro Manila at apat na lalawigan bukas, April 11.