-- Advertisements --

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng magpinsang sina Kieth Absalon na isang football player ng Far Eastern University (FEU) at Nolvin Absalon.

Namatay ang magpinsan sa sumabog na landmine na itinanim ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Anas, Masbate City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, paiimbestigahan at papanagutin ni Pangulong Duterte ang mga taong nasa likod sa pagpatay sa magpinsang Absalon.

Ayon kay Sec. Roque, narinig ni Pangulong Duterte ang hiling ng pamilya ng football player na hustisya lalo’t binaril pa ang mga biktima.

Kaya nangako umano ang Pangulo na pagbabayarin ang mga may kagagawan sa karumal-dumal na krimen.

Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya Absalon.

Inihayag ni Sec. Roque na crime against the international community ang ginawa sa magpinsan.

Una nang inako ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army ng krimen at humingi ng paumanhin sa pamilya Absalon kasabay ng pangakong mananagot ang mga taong nasa likod ng krimen.