Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibibigay ngayong taon ang ipinangako niyang salary increase para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa isang pulong balitaan sa Davao City makaraang makabalik mula sa limang araw na official visit sa Russia, sinabi ni Pangulong Duterte na uunti-untiin ang pay hike sa mga guro, katulad ng rate ng increases sa mga sundalo at pulis noong 2018.
“It’s coming, ang increases nila. But hindi double. Mas marami ang teacher … The last time they [Cabinet members] were discussing was about 35 percent. It could be more, I don’t know,” ani Duterte.
Subalit sinabi ng Pangulo na hindi siya makakapagbigay ng eksaktong timeline para sa pay hike ng mga guro.
“If I give you the timeline tapos I could not make it on the deadline, I have to explain more than what is expected of government. Mas mabuti kung nandyan na. Basta sinasabi ko may increase this year, I am very sure of that,” dagdag pa nito.
Noong Biyernes lang, Oktubre 4, ipinangako ng mga senador na gagawin nilang prayoridad ang salary increase para sa mga guro kasabay nang paggunita ng National Teachers’ Day noong araw na iyon.