Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong suporta sa mga atletang Pinoy na sasabak sa 2020 Olympics sa Japan.
Sa kaniyang talumpati matapos ang pagbibigay ng cash incentives sa mga nakakuha ng medalya sa katatapos 2019 Southeast Asian Games, sinabi ng Pangulo na magbibigay siya ng P100 million para sa pagsasanay ng mga atletang Pinoy na sasabak sa Olympics.
Tinanong pa nito si Philippine and Amusement Gaming Corp. Chairman Andrea Domingo para makakuha ng pondo.
Bukod pa sa nasabing tulong sa mga Filipino na sasabak sa Olympic ay magbibigay ito ng P250,000 kada buwan sa bawat atleta na magsasanay.
Nauna rito ibinigay na ng Pangulo ang cash incentives sa mga nakakuha ng medalya sa 2019 SEA Games at ginawaran din niya ang mga ito ng Order of Lapu Lapu.
Magugunitang mayroong kabuuang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals ang nahakot ng bansa.
Nakasaad sa batas na mayroong P300,000 na ibibigay ng gobyerno sa mga gold medals, P150-K sa mga silver at P60-k sa mga bronze medalist.
Dinagdagan pa ito ng pangulo ng P250-k sa mga gold, P150-k sa mga silver medalist at P100-k sa mga bronze medalist.