Nagkita na rin at nagkamayan sa unang pagkakataon ang dalawang kontrobersiyal na personalidad na sina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump at naganap ito sa Vietnam.
Nangyari ang makasaysayang tanawin nitong araw ng Sabado sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) event sa Vietnam.
Bago ito ay hanggang tawag lamang sa telepono na nagkausap ang dalawa.
Makikita naman sa ipinadalang kuha ng larawan ni Special Assistant to the President Bong Go mula sa Vietnam ang panandaliang pag-uusap ng dalawang lider kung saan seryoso si Trump habang nakangiti naman ang Pangulong Duterte.
Ayon kay Go, nahiwatigan umano mula kay Trump ang pagsasabi kay Duterte na “see you tomorrow.”
Inaasahan kasi na sa Linggo ng hapon ang pagdating sa Pilipinas ng lider ng Amerika upang makibahagi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit kung saan meron siyang nakatakdang bilateral talks kay Duterte.
Inaasahan naman na kabilang sa mga isyu na tatalakayin ng dalawa sa kanilang one-on-one meeting ay ang usapin sa seguridad, paglaban sa terorismo, tensiyon sa Korean Peninsula, trade at iba.