-- Advertisements --

Tumanggi si dating Pangulong Rodrigo Duterte na magkomento sa pagsusumite ni dating Senador Antonio Trillanes IV ng transcript ng kanyang Senate testimony sa war on drugs sa International Criminal Court (ICC).

Ibinunyag ng hayagang kritiko ni Duterte na si Trillanes sa kaniyang X account na naipadala na umano sa ICC ang transcript ng pagdinig sa Senado noong Lunes, Oktubre 28 kung saan umamin si Duterte sa extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs.

Ayon kay Trillanes, nauna na ring ipinadala sa ICC ang transcripts ng imbestigasyon ng House Quad Committee at lahat aniya ay tinanggap.

Ayon kay Duterte, walang ginawa si Trillanes kung hindi magdaldal kaya hindi nito sasagutin ang pagsusumite umano ng dating senador ng transcripts sa ICC. 

Bukod dito, hindi pa dumalo si Duterte sa imbestigasyon ng QuadComm. Sinabi niya na gusto niyang dumalo, ngunit sa ibang pagkakataon na lang.

Nasabi naman na raw niya sa kanyang testimonya sa Senado ang mga tanong hinggil sa war on drugs. 

Una nang humarap si Duterte noong Oktubre 28 sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Subcommittee hinggil sa war on drugs. 

Ipinagtataka ni Duterte na bakit aniya hanggang ngayon ay hindi pa nagsasampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) laban sa kanya gayong matagal na raw siyang pumapatay.