Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi pabor na maipatupad na ang Child Safety in Motor Vehicles Act habang nahaharap pa ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Sen. Bong Go, nakausap niya si Pangulong Duterte na nagsabing hindi pa napapanahon para ipatupad ang nasabing batas lalo nagkakandahirap na nga ang mga kababayan at hindi tamang dagdagan pa ang kanilang pahirap.
Ayon kay Sen. Go, maipapatupad din ang nasabing batas maliban na lamang kung may gagawing pag-amyenda pero hindi muna sa ngayon.
Kaya mas mainam daw na paigtingin ang information campaign para maipaunawa ang nilalaman at kahalagahan ng batas sa publiko.
Ang Child Safety in Motor Vehicles Act ay nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang ganap na batas noong Pebrero 2020 na nagmamandato sa mga batang edad 12 pababa na gumamit ng child restraint systems (CRS) o car seats habang pinapayagan lamang ang mga batang may tangkad na 4’11” na maupo sa harap ng sasakyan o sa front seat.
Una ng sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang ganap na implementasyon ng batas at magpokus na lamang sa information drive sa loob ng anim na buwan imbes na manghuli o mag-isyu ng tickets sa mga lalabag.
“Nakausap ko si Pangulong Duterte, siya po mismo ayaw rin niyang i-implement ito,” ani Sen. Go. “Sabi niya, ‘Not this time.’ Hindi pa napapanahon na i-implement itong batas na to.”