Nanatili lamang umano maghapon sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Araw ng Paggawa.
Walang pinuntahan o dinaluhang aktibidad si Pangulong Duterte kaugnay sa Araw ng Paggawa pero wala pang paliwanag dito ang Malacañang.
Batay naman sa larawan galing kay Ms. Honeylet Avanceña, common-law wife ni Pangulong Duterte, makikita ang pangulong nasa bahay lamang nila, naka-shirt at shorts habang nagbabasa ng pahayagan.
Una ng sinabi sa Bombo Radyo ni Labor Sec. Silvestre Bello III noong weekend na pangungunahan ni Pangulong Duterte ang groundbreaking ceremony ng P400-million OFWs hospital sa San Fernando, Pampanga pero hindi siya natuloy.
Ayon kay dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, wala sa schedule ni Pangulong Duterte ang nasabing okasyon sa Pampanga ngayong araw.
May inilabas namang mensahe si Pangulong Duterte kung saan hinihikayat nito ang Kongreso na magpasa ng batas para matigil na ang “end of contract” o endo scheme at kontraktwalisasyon, gayundin ang iba pang batas pabor sa mga manggagawang Pilipino.