-- Advertisements --

Muling idinepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng gobyerno ng bilyong halaga ng personal protective equipment (PPEs) noong nakaraang taon at iginiit na walang korupsyon sa ginawang proseso.

Sa kanyang pre-recorded na Talk to the People, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagbili ng PPEs na idinaan sa PS-DBM ay suportado ng Government Procurement Reform Act at Bayanihan to Heal as One Act.

“It was provided in Sec. 53 that negotiated procurement shall be allowed in case of imminent danger to life and property during state of calamity,” ani Pangulong Duterte.

“Ibig sabihin nito pumapayag ang batas na walang bidding-bidding basta merong kalamidad [It means the law allows the absence of bidding as long as there is a calamity].”

Ayon kay Pangulong Duterte, binibigyan ng Bayanihan law ang presidente na mag-adopt ng temporary emergency measures para tumugon sa krisis at sa pagkakataong ito ay sa COVID-19 pandemic.

Ang pagbili ng PPEs sa kompanyang Pharmally ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee kung saan naniniwala ang ilang senador na may overpricing.