Wala umanong nakikitang problema si Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na P33 billion na “parked funds” sa Philippine International Trading Corporations (PITC).
Magugunitang kinuwestiyon ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil iligal ito at wala ng otoridad ang PITC na gamitin o hawakan pa ang pera matapos magpaso ang procurement period.
Kinuwestiyon din nito ang interest ng bilyun-bilyong pondo na pinagkakakitaan o pinaghahati-hatian umano ng mga PITC officials.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang P33 billion naman ay hindi nakatengga lang, bagkus dumadaan ito sa iba’t ibang level ng procuremnt process.
Ayon kay Sec. Roque, iniulat ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa gabinete na ang P11 billion ng Department of National Defense (DND) na nasa PITC ay hindi nangangahulugang walang nangyari kundi nasa iba’t ibang stages lamang ng bidding process.
Kaugnay naman sa interes, inihayag ni Sec. Roque na nakalagay sa legal Charter ng PITC na maaari nilang kunin ang 50 porsyento nito at 50 porsyento naman ang ibibigay sa National Treasure.
Pero dahil kailangan daw ngayon ng pera sa pagtugon sa COVID-19 pandemic lalo na sa pambili ng bakuna, 100 porsyento na umano ng interes ng P33 billion ang ibibigay sa national government.
Samantala, makikipag-ugnayan na umano ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) sa PITC para isahin-isahin ang mga pondo at alamin kung aling proyekto ang tuloy pa o hindi na.
Ang mga hindi na umano tuloy na proyekto, babawiin ng mga ahensyang naglagak ng pondo sa PITC para ibalik sa National Treasury para gamitin ni Pangulong Duterte sa ibang pamamaraan.