-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng MalacaƱang na may kaalyadong pinagtatakpan si Pangulong Rodrigo Duterte kaya ayaw nitong pangalanan ang mga kongresistang sinasabing sangkot sa korupsyon sa mga kontrata o proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Magugunitang tumanggi si Pangulong Duterte na isapubliko ang pangalan ng mga kongresistang isinumite ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at ipinauubaya na nito sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hiwalay kasi na sangay ng gobyerno ang Kongreso hindi katulad ng mga naunang pinangalanang nasa ilalim ng Ehekutibo gaya sa Bureau of Customs (BOC), PhilHealth at Burea of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay Sec. Roque, isyu rin ang ebidensya dahil mas mahirap umanong patunayan ang pakikipagkuntsaba ng mga kongresista sa mga contractors at project engineers para sa kanilang “kickback.”

Kaya wala daw aasahang pagbabanggit si Pangulong Duterte sa mga sangkot na kongresista dahil isusumite na lamang nito ang listahan sa Ombudsman na siyang mag-iimbestiga.